Kabanata 4 + 5

Paghaharap sa Lumipas at iba pang Kuwento ng Pagkakataon

Friday, October 14, 2005

Tres Ekis (R-18)



“Putsa, dala mo yung tiket mo? Nawawala sa wallet yung tiket ko pre, mukhang naiwan sa ‘taas. Pakihintay na lang tsong kukunin ko lang...”

Si Makoy iyon. Sabado ng tanghali sa aming dormitoryo. Maaliwalas ang panahon, at tila masarap mag-extra rice at mag-softdrinks sa nalalapit na pananghalian sa Lutong Bahay. Planado nang bubusugin namin ang aming mga tiyan bago busugin ang aming mga mata.

“Tang-ina. Crush na crush ko talaga yung boobs ni Sunrise X!” sabi ni Makoy na walang pakialam kung may ibang nakakarinig habang binabagtas namin ang madamong daanan papuntang LB. “Gago, pinakasuwabe yung mga pink na utongski niya!!!” biglang sawsaw ng isang manyakis sa may likuran namin. Si Jong pala iyon; ang computer wizard at full-time na sira-ulo sa aming dormitoryo. Humihingal-hingal pa si kupal, halatang humabol sa aming paglalakad. “Panonoorin nyo si Sunrise no? Hehe, sama ‘ko mga tsong! May tiket din ako e!” hirit ni mokong habang nakikisabay na sa aming mabilis na paglalakad.

“Sure. Ano pa ba ang magagawa namin?” sagot ko sa kanya. “Basta ba sali ka rin sa oorderin naming Coke Litro,” dagdag ko. Nasa may Post Office pa lang kami’y natatanaw na naming pilahan na naman sa aming paboritong kainan. Pagdating doon ay dating gawi kami; pipila, oorder at babayaran ang tigda-dalawang order na kanin at ang kanya-kanyang classic na uulamin; adobong manok sa akin, pork giniling kay Makoy at sinigang na baboy naman kay Jong. Siyempre hindi rin makakalimutan ang walang-kamatayang Coke Litro na paghahatian ng tatlo pati na rin ang libreng sabaw na handog ni manang.

Pagkatapos maghabulan kung sino ang pinakamabilis at pinakamasibang kumain ng pananghalian ay kanya-kanyang tungga na ng natitirang softdrinks sa baso. Tatayo ang isa at kukuha ng ice-cold tubig ‘pag nabitin sa softdrink. “Iba talaga dito sa Unibersidad de Pendejo. Makakalibre ka na ng porno, mauuna ka pa sa balita sa ibang tao” kumento ni Makoy habang tinititigan ang larawan ni Sunrise X sa kanyang tiket. “Tayo daw ang gagawing kritiko ng gumawa ng pelikulang ito. Para namang intelektuwal talaga tayong mga taga-peyups, e halos lahat naman puwedeng makapanood nito dahil libre, basta’t nakakuha lang ng tiket. Kung merong bopol sa labas, siguradong hindi magpapadaig ang Fighting Morons!” pa-humble pang dagdag niya.

“Ganyan talaga pre. Kinakatay na raw kasi natin ang Industriya nila eh, kung hindi pa natin naililibing sa sementeryo. Wala na tuloy silang ibang maisip kundi ang gasgas na pormyula na gumawa ng isang nagkukunwaring ART film pero soft porn lang pala,” sarkastikong sagot ko. “Ba’t mo naman nasabing soft porn lang? Ano ba talaga ang sining at hindi sining? Malay mo ART film na nga talaga ito ‘di tulad nung naunang ipinalabas nila noong isang buwan. Tigilan mo nga ‘ko sa pa-art art na gimmick mong ‘yan, iba naman talaga ang habol natin e. Para panoorin ang mga bundok ni Sunrise at ang kanyang mga espesyal na acrobatics,” nakangising-demonyong pag-uusisa ni Makoy. Napangisi na rin ako. “Para sa akin lang kasi, sining ang gawa mo kung orihinal ang mga ideya nito, makatotohanan, at  may paghahamon sa pangkasalukuyan at panghinaharap na pananaw ng kulturang mainstream,” baliw na hirit ko. “Ulol! Tumatalab na ang caffeine sa softdrinks na nainom mo pare, o baka epekto lang ng asukal yan. Anupaman ang kahulugan ng sinabi mo’y itinakda na natin ang makamundong araw na ito! Bah, kunwari ka pa dyan eh. Kung ayaw mong mag-enjoy, umuwi ka na lang at mag Counterstrike sa computer ni Kupaw!” sabat ni Makoy na nagyayaya nang lumakad papuntang Film Center. “Here we are nooow, entertaaaaain us!!! A mosquiiiitow, my libiiiidow!!!” parinig na kanta ni Jong mula sa isang awit ng Nirvana. Pakiramdam niya’y cool na cool na ang dating niya sa paghe-head bang ng kanyang kulot na buhok. Iyon na rin ang naging hudyat para simulan na namin ang paglalakad.

Nasa harap na kami ng FC nang masilayan ang sandamukal na mga pulutong ng mga kagaya din naming malilibog. Hanggang kalsada ang pilahan at kung hindi ginawang dalawa’y aabutin ng pila ang katapat na gusaling Bahay ng Alumni. Dahil libre at Special Advanced Screening pa, palalampasin lang ito ng mga abala sa pagpapayaman, mga alagad ng simbahan, mga moralista’t nagkukunwaring moralista, mga korni at killjoy, at yaong mga malapit nang kunin ni Lord. In short, mga gago lang at mga taong walang magawa sa buhay ang manonood nito.

Usap-usapan na meron pa daw public forum pagkatapos; nandun ang direktor, prodyuser, at mga artista. Siyempre, nandun ang bida--- si Sunrise!!! Mahabaging langit! Kung kelan ka nga naman susuwertehin! Makakahingi ka na ng libreng otograp, pati pa libreng kiss. Yun e kung desperado ka na’t sobrang kapal na ng pagmumukha mo. Kapansin-pansin na maraming taga-Narra doon. ‘Di na namin kailangang magtaka pa.

May mga babae din na tumungo doon. Curious. O kung hindi man ay napag-utusang gumawa ng reaction paper tungkol sa pelikula. Yung iba naman ay dala-dala ng boyfriend nila. Hayup, doon pa yata balak gumawa ng milagro. Nandun din ang mga kakilala ko na halatang kagagaling lang sa kani-kanilang mga exam. Marami ding propesor at matatandang tao ang nandun. Naisip ko tuloy, ART film na nga yata ang panonoorin namin.

Nakapuwesto na kaming tatlo sa loob sa may bandang kaliwa, malapit sa aircon na mala-North Pole ang lamig. Padami nang padami ang mga tao sa loob at malapit nang mapuno. “CR muna kaya tayo mga brod at baka sumabog ang pantog natin nang ‘di natin namamalayan. Mahirap na,” bright suggestion ni Jong. “Mauna na kayo’t ako naman ang susunod para hindi tayo manakawan ng upuan,” sabi ko sa kanila.

Saktong pagbalik ko mula sa pag-CR ay katatapos din ng Lupang Hinirang. Pinatay na ang mga ilaw. Oras na ng paghuhusga. Sa unang limang minuto pa lang ng kuwento, may eksena na si Sunrise. Nangingisay-ngisay pero pagsasayaw pala ang tawag nila doon. Erotic dancing daw, bulong ni Makoy. Pumito ang mga sanay sa beerhouse at nagtilian naman ang mga girls at mga pa-girl na kunwari ay ngayon lang nakakita ng ganoong tanawin.

Mabilis ang takbo ng istorya. Kumpleto sa sangkap ang R-18 na pelikulang ito. ‘Di lang basta may sex, may violence pa. Ang bidang lalaki ay napilitang sumama sa grupo ng mga sindikato para lang mapalapit kay Sunrise na asawa ng lider nila. Ang grupo naman ay kakikitaan ng iba’t-ibang uri ng karakter para daw maging realistiko. Pero kung ipagpipilitan ng nagsulat ng kuwento na puwedeng tumagal sa sindikato ang isang matandang hukluban, malabo ang paningin, at pagong kung kumilos at mag-isip, pasensya na lang at hindi ko siya puwedeng paniwalaan. Hindi naman props ang silbi niya sa kanilang Modus Operandi. Hindi rin ipinakita kung bakit siya tumagal sa grupo. Hanggang kusinero na lang siya. Sa bandang huli, siya ang unang na-dedo. No wonder.

Dumating ang isang eksenang hinihintay ng mga barako. Pero wala si Sunrise. May ibang babae doon na may malupit na binabalak kasama ang isa pang miyembro ng sindikato. Pero naantala. Bitin tuloy ang mga kumag na nanonood. “Tang-igit! Pa-cute talaga ang artistang ‘yan. Imposibleng magpakita!” reklamo ni Jong. “Wow lupeet!” asar na kantyaw ng iba.

Habang tumatagal, nabuburyong na ako sa nangyayari sa istorya. Nagiging mas magulo at kumplikado, hanggang sa mawalan ka na ng pakialam at simpatya sa magiging kahihinatnan ng mga bida. Masyadong magalaw ang cameraman. Nakakahilo ang estilong ginaya ang music video, pero medyo nakaka-bad trip ang palabas na 'to. Ganoon na ba talaga kahalaga ang alindog ni Sunrise, para manatiling tanga at alipin ang bida? Ang matsing na lider naman ng grupo sa simula ay napakatalino, pero kagulat-gulat na basta na lamang siyang maiisahan sa loob ng kanyang pamamahay--- sa kanyang kubeta pa mismo. Anak ng tipaklong, parang gusto ko nang mag-walk out.

Si Makoy ay nanatiling tahimik at nagmumukmok. Nahimasmasan lang ang lahat mula sa pagkakasuya nang dumating ang tagpong iyon. Magagawa na rin ni Sunrise at ni Bigote sa loob ng tatlong minuto ang napakatagal na nilang gustong gawin. Masasaksihan na rin namin ang napakatagal na naming gustong makita. “Shit! Materyales Fuertes nga!” sabi ko, abot-tenga ang ngiti. “Hehe, my favorite fusisyun!” hirit naman ng naaaliw na si Jong. Sa loob ng tatlong minutong iyon, para ka lang aksidenteng nakapasok sa isang Anatomy Class o kaya’y Nude Painting Session sa Fine Arts. Medyo salat nga lang yung ART. Overacting na kasi si Sunrise e, mahirap paniwalaan ang indayog ng katawan. “Basta’t makita lang, ayos na 'yan. ES 12 lang ‘yan---Dynamics of Rigid Bodies!” mala-inhinyerong pangangatwiran ni Makoy. "Gago, mas akma yung ES 13 dyan! Mechanics of Deformable Bodies, heheheee" hirit naman ng salaulang si Jong.

Tapos na ang maliligayang eksena. Nakapag-round two na rin si Sunrise at si Bigote. Busog nga ang aming mga mata pero ako’y naduduwal na. Hindi pa rin kasi tumitigil sa paikot-ikot ang cameraman at ako’y hilong-hilo na kahit hindi naman nakainom. Sarap batukan ang cameraman kung nandun lang ako sa shooting nila. Hindi naman kami nanunood ng Blair Witch Project. Hindi na rin namin nararamdaman ang kanina’y North Pole na aircon. Malapit nang matapos ang istorya. Mamamatay silang lahat dahil sindikato sila at iyon ang madalas na ending sa mga Pinoy na pelikula.

Tama ako.

Asa pa kaming magkaroon ng character development ang mga tao sa kuwento. Asa pa kaming pasasayawin pa ni Sunrise ang ga-bundok niyang mga mansanas. Tragic talaga ang ending. Pero bago ma-dedo si Bigote, aaminin niya ang kanyang wagas na pagmamahal kay Sunrise mula noong unang nagtagpo ang kanilang mga mata. Wow, love at first sight!!! Pero duling ang pag-ibig na ito. Dahil sa buong kuwento, puro kalibugan lang ang nakita namin kay Bigote sa kanyang mga pakikitungo sa karakter ni Sunrise.

Yun din ang nakita namin sa aming mga sarili. Guilty with pleasure ‘ika nga. At bago lumabas ang end credits, naisip kong napakababaw pala namin para patulan ang ganitong mga uri ng libreng pinoy na palabas. Niyaya ko na silang umuwi. Listo naman ang dalawang mokong. Ayaw na naming personal na makita si Sunrise X kasama ng bading na direktor. Korni na kasi. At para makaiwas na makunan ng opinyon at footage sa labas, minabuti naming lumabas sa gilid na exit at hindi sa main entrance ng Film Center.

Yun nga ang nangyari sa amin sa araw na iyon. Hindi kami naging mga mapanuring kritiko. Ginawa lang kaming mga tanga--- mga ‘guinea pigs’ na nakakulong sa isang makamundong laboratoryo.




Copyright ©Nudarion 2005. All rights reserved.

Monday, May 30, 2005

Arsonista



Pasado alas-tres na ng hapon ng sabado, nakahinto pa rin ang bus. Lampas isang oras na rin silang ipit sa mala-ahas na kahabaan ng Cubao at pang-ilang beses na rin niyang naririnig na murahin ng mga pasahero ang MMDA at gawing puta ang nanay ni Bayani Fernando sa saliw ng ingay ng mga busina sa gitna ng alinsangan ng panahon. May banggaan na naman siguro, kumento ng kundoktor dahil sa kabilang kalsada pabalik, nakakagulat na maayos ang daloy ng trapiko.

Ang kaninang bus na pinuno ng mga tao ay unti-unting nababawasan ng mga nagmamadali at hindi na makapaghintay sa biyahe. Binuksan niya ang kurtina at sumilip sa may bandang itaas sa kanyang kaliwa. Punung-puno ang bumabagtas na MRT. Napag-isipan niyang ‘wag nang ituloy ang balak na lumipat ng kanyang sinasakyan dahil pauwi naman siya at may oras pa. Minabuti niyang manatiling alerto sa kanyang pagkakaupo at palamigin na lamang ang isip sa musikang naririnig sa loob ng bus. Dapat lang na maging alerto sa panahon na iyon sapagkat hindi mawawalan ng tarantado, sira-ulo, at mababangis na hayop ang ‘kagubatan’ na tinatawag nilang Lungsod. Talamak pa ang terorismo na walang pinipiling okasyon at biktima. Sa kabilang banda, naisip din niyang dapat sila ang matakot sa kanya dahil mukha siyang terorista sa goatee niyang daig pa ang matandang kambing.

Nakatigil pa rin ang bus. Pero ang isip niya ay naglalakbay. Habang yakap-yakap ang kanyang backpack na pinaglagyan ng kanyang mga binili mula sa Gilmore at sa isang mall sa may Shaw, hindi niya maiwasang makita ang sarili na nagmamartsa sa tugtog ng Graduation March. Kahit wala na siyang balak maglakad ng naka-toga, lalo na kung naka-barong at may sablay pa na tatak na ng kanilang unibersidad, masaya na rin ang nadarama niya dahil natapos na rin ang kanyang unang yugto ng pagsisikap. Sa kalagayang pang-ekonomiya ng kanyang pamilya sa probinsya, talagang hindi na kakayanin ang pagdaos ng anumang pampamilyang selebrasyon sa Maynila. Isa pa, halos lahat na rin ng kanyang mga kakilala na nagtapos ay wala na ring balak magmartsa kung hindi man wala nang gana, at iba pa sa kanila’y may mga trabaho na. Kasalanan niya rin dahil kung hindi sana siya tumagal ng ganun sa kolehiyo, baka may natirang pera pa ang kanyang mga magulang para sa isang simpleng piging. Suwerte na lamang niya at kahit papaano’y may pambayad siya sa pagkuha ng grad pics pati na rin ang yearbook ng kanilang kolehiyo.

Mag-eenjoy na lang siya sa kanyang mga biniling epektos. Iyon na rin ang kanyang selebrasyon. Makikigamit na lamang siya ng PC ng kanyang roommate habang nasa lungsod pa. Bakasyon na niya kinabukasan at bago siya mag-full blast sa kanyang paghahanda sa Board Exam ay lulubusin muna niya ang pag-eenjoy sa ligayang hatid ng digital media. Gusto niyang mag-break muna sa pag-aaral at magsaya naman. Panalangin na lamang niya na sana’y kayanin pa ng kanilang lumang kompyuter at dyapeks na VCD player sa probinsya ang kanyang mga iuuwing CDs.

Nasa kalagitnaan pa rin sila ng Cubao at ng kanyang pag-iisip nang tumunog ang kanyang telepono. Nag-text ang isa niyang kakilala.

New in our lineup--- OSTs: smallvillle s2, csi, alias, samuraix:reflection, lotr/rotk, ring0,1,2, oneTreeHill. L8est albums: phantomplanet, all-amrejects, prodigy, fatboyslm, sndwich. VCDs: myWifeisaGangster1&2, kungfuhustle, zatoichi. Old titles stl available n our site; ncluding prn titles. juz name it, we hav it.

Galing kay Korto iyon. Isa sa libu-libong buwitre at bampira na patuloy na nangangalkal ng libreng pagkakakitaan sa cyberspace. Patuloy na tinatangkilik ng mga kapus-palad, dahil hindi naman kayang hulihin ng mga pulis-patola sa isang Thirld World country na kagaya ng Pilipinas. Patuloy din niyang kinukulit kung ito’y mayaman na sa sideline, dahil balitang patok ang negosyong ganoon. Text back ni Korto ay nakabili na raw siya ng bagong celfone pero matumal daw ang benta, dahil mahigpit na raw si Edu Manzano sa panahong iyon at naging pribadong one-on-one na lang ang basehan ng bentahan. Humirit ulit si Korto kung kakagatin niya ang alok, sinamahan pa ng diskuwento. Sagot naman niya’y saka na lang. Katwiran niya’y kagagaling lang niya sa Shaw at Gilmore at nasimot na niya ang kanyang naipon para may basahin at ipang-relaks sa darating na bakasyon. Dagdag pa niya’y makiki-burn na lang siya sa kanyang roommate kung may iba pang kakailanganin.

Nakatakbo na rin sa wakas ang sinasakyan niya nang siya’y tantanan ni Korto. Naisip niyang kahit pagnanakaw ang ginagawa ni loko ay hindi naman niya ito puwedeng sisihin dahil sa napakahina ang batas na ipinapatupad sa bansa. Batas na walang pangil. Batas na hindi naisusunod. Batas na may kinikilingan. Kung gusto nilang mawala ang mga katulad ni Korto, ipagtibay muna nila ang batas mula taas hanggang baba. May mga backer ang mga ito na bigatin at imbes na yaong mga maliliit na illegal businessmen ang hulihin ay unahin ang source mismo na siguradong ngayo’y bondat na sa karangyaan. Hulihin na rin ang mga retailers at ang mga bumibili. Higit sa lahat, huwag tatanggapin ang panlangis na mula sa mga mall owners. Sa larangang ito, bagsak ang mga alagad ng batas. Paano naman kasi nila tatakutin ang mga parukyano para hindi na bumili ng ilegal na kopya kung sa isang mall mismo ay may harap-harapang ilegal na bentahang nagaganap?

Nagtataka din siya kung bakit sa dinami-dami ng mga kongresista’t mambabatas sa bansa ay pagong pa rin ang mga ito sa pag-aaral at pagbuo ng batas laban sa hacking at piracy. Nalusutan tuloy sila ng estudyanteng gumawa ng I Love You virus noon. Nakakahiyang aminin pero totoong may problema sa pagbubuo ng batas at may problema rin sa pagpapatupad nito.

Napapabuntong-hininga na lamang siya sa pagkayamot at sinilip na lamang ang librong nabili sa mall sa halagang otsenta pesos. Klasik ang librong iyon ni Dostoyevsky at napapailing na lamang siya dahil alam niyang ang istorya at kalagayan sa librong iyon ay hindi naiiba sa ngayon. May kahirapan pa rin. May kabalintunaan pa rin.

Humaharurot na ang bus sa may QC circle. Paglampas ng City Hall ay natatanaw na niya sa pang-ilang ulit na pagkakataon ang kanyang numero-unong crush; ang pinakamagandang mukha sa buong planeta. Si Natalie Portman iyon sa dambuhalang billboard sa may Housing. Inlab na naman si kumag, pigil ang ngiti sa kanyang mukha. Lumilipad na naman ang imahinasyon; iniimadyin na si Natalie ang kanyang nawawalang soulmate.

Tumayo na rin siya sa kinauupuan at humawak sa estribo handa nang lumabas ng bus. ‘Di na niya kailangang pumara sapagkat marami naman silang bababa sa Philcoa. Alas-kuwatro y medya na sa celfone niya. Maaabutan pa niya ang mga roommate niya para makigamit ng PC at mapanood ang malupit na pakikipagsapalaran ng isang superherong putol ang sungay. Puwede rin niyang subukan ang larong patok na patok sa mga mokong na mahilig sa larong may diskarte at may strategy daw. Kunsabagay, miss na rin niyang subukan ang kakayahan sa micromanagement, rush attack, at black ops.

Sakto. Pagdating niya sa boarding house nila’y nakabukas ang PC at dumadagundong ang buong silid sa tugtog na Alternatibo. Bulagta ang mga roommate niya na halatang napuyat na naman sa paglalaro ng “Generals” at inabot na ng tanghalian. Tapos na ang hell week, tapos na ang mga pagsusulit at maganda naman ang gradong nakita sa mga classcards. Kahit hindi pa nakakabawi sa puyat, aabutin pa rin ng umaga sa paglalaro at panonood bago dumiretso sa bakasyon ang mga ito. Bago umuwi sa kani-kanilang mga probinsya.

Bumangon si Estong, kakamut-kamot pa. Manananghalian pa lang pala ang mga ugok. “Panoorin na natin yang HellBoy!” hirit ni Nikoy. Si Max nama’y kumakanta pa ng Pardon Me sa pagkakahiga, gustong kalabanin sa chorus line ang bokalista ng Incubus pero kinapos at hindi kinaya ang dulo. Tawanan ang mga gago.

“Buti pa’y magluto na lang muna kayo. Burn ko na rin muna iyong mga hinihiram ko sa iyo, pati na rin yung ibang nasa kahon. Uuwi na ako bukas eh,” wika niya kay Estong, ang may-ari ng kompyuter habang inilalabas sa knapsack ang mga ‘writable’ at ‘re-writable CDs’ na nabili sa isang sale sa may Shaw at Gilmore.

“Uuwi ka na pala. Kokopyahin ko na rin yung mga nabili mo ha. Lahat ng audio pati na rin yung installer. Tingnan mo yung ibang MP3 at VCD sa may drawer, baka may magustuhan ka. Kakabili ko lang kahapon kay Korto,”sagot naman ni Estong.

“Mayaman na siguro ang lokong ‘yun, ano? Parang gusto ko na rin tuloy makisali sa business nya,” sabat naman ni Max.

“Pare, ‘wag mong kakalimutan ‘yung pasalubong naming ‘white sands’ ha,” pabirong hirit naman ni Nikoy sa kanya. “Buti pa sa inyo, maraming beach, samantalang sa amin eh puro palayan at bundok,” dagdag pa niya.

“Malabo iyon tsong. Hindi na nga ako magmamartsa sa Abril dahil hirap talaga kami ngayon. Pamasahe pa lang, mahal na. Fiscal Crisis kami ngayon,” pangangatwiran niya sa kanyang mga kakosa. “Pero anuman ang mangyari ay siguradong mag-eenjoy pa rin ako sa bakasyon,” naninindigang pahabol niya habang inilalabas ang natitirang epektos na laman ng kanyang backpack

Magbabasa, manonood, magsa-sound trip at magsusulat siya sa bakasyon; iyon ay nakarehistro na sa kanyang isipan. Pahinga muna sa pagsusunog ng kilay at ibang klase naman ng ‘pagsusunog’ ang balak niya sa araw na iyon.

Hindi pa naisusuot ang pambahay na t-shirt ay umupo na agad siya sa harap ng kompyuter. Pinatay muna ang dumadagundong na Winamp at inisa-isa na ang mga napiling kokopyahing CDs. “Eto muna, mukhang astig ‘tong OST ng 50 First Dates at One Tree Hill.”

Binuksan niya ang program na Nero. Isinalang ang blanko at babasahing CD sa kani-kanilang dapat na kinalalagyan. Pumindot ng ilang beses sa mouse at pagkatapos ay sabay na itinaas ang kanyang mga kamao at sumigaw...

“Burn baby, BURN!!!”


Copyright ©Nudarion 2005. All rights reserved.

Wednesday, May 25, 2005

Hukbong Kalawang

Inhale!!!
Inhale some more!!!

Ex-haaaaale!!!

WE ARE THE BRAVO BATTERY!!!
WE ARE THE BEST!!!

Ganito kami tuwing linggo ng umaga noon. Karamihan kasi, sumusunod lang sa agos ng pagiging freshman sa kolehiyo. Kung hindi man napipilitan sa hamon ng mga kasabayan at mga kaklase na tapusin ng maaga ang Military Science, marami sa amin ay walang kakilalang doktor para bolahin ang mga officer na kunwari kami ay asthmatic o lumpo, at nang mapabilang sa hayup na hanay ng mga kadeteng ‘light duty’ ang silbi sa hukbong kalawang. Kapag light duty ka kasi, alalay ka lang ng officer. At ibig sabihin ng pagiging alalay; janitor/secretary/messenger ang trabaho mo sa headquarters. Mananatili ang long hair mo dahil hindi sila mahigpit sa gupit. Hindi ka masasabunan ng mga tumatalsik na laway ng taga-utos. Hindi mo rin maaamoy ang kanyang hininga. Hindi ka mabibilad sa araw. Hindi ka magkaka-sunburn at babyface ka pa rin sa mata ng iyong mga kaklase at blockmates.

Proud daw kami dapat sa aming battery. ‘Di tulad ng mga nasa Infantry, ang lakas namin ay nanggagaling sa putok ng aming mga armas at sandata. Kami daw ang makabagong bersyon ng mga archers at catapult rangers noong Medieval Age. Kaya nga Grissly Bear ang mascot ng aming hukbo, dahil sigurado daw na magiging mabangis ang mapapabilang sa Field Artillery Battalion.

Men, tell me now!
What is the Spirit of the Bayonet?!

“TO KILL AND KILL RELENTLESSLY
WITHOUT MERCY,” SIR!

Sabado pa lang ng gabi, abala na kaming mga mokong sa paglilinis ng aming mga gamit. Kung naaaninag mo na ang tagyawat mo sa metal plate ng iyong garisson belt at sa iyong bota, puwede mo nang tigilan ang pagpapakinang at pag-eeskoba. Ayaw mong magkaroon ng demerits kaya tiyaking sakto ang gupit mong ‘white side wall’ na 3-by-5 at naahit lahat ng balbas/bigote. Tiyaking mabuti na plantsado at suwabe ang lahat; beret, patig, long sleeves, puting t-shirt, panyo, black gloves, at kung minsan, medyas. Huwag kakalimutang naka-almirol lahat lalung-lalo na ang panyo. Kalimutan mo nang lahat; almusal, pangalan ng battcom, pangalan mo, syota mo(sa panaginip), huwag na huwag ang panyong naka-almirol!!! Iyon kasi ang nakalagay sa log book---“STARCHED HANKY” ---siguradong importante, dahil madiin at capitalized ang pagkakasulat ni battcom. Pero minsan, meron din talagang tanga sa mundong ibabaw…

Naalala ko kasi nun, isa-isang kinakastigo at ini-inspect ang mga gamit namin na bahagi na rin ng routine sa formation. Lahat ay mga gamit na laman ng bulsa ng aming pantalon; suklay, tickler notebook, lecture notebook, itim at pulang bolpen, at syempre, ang imortal na 'starched hanky'. Pagdating ni battcom sa katabi ko sa kaliwa, pansin kong pigil na pigil si battcom sa pagtawa. Ang siste, imbes na naka-almirol ang panyo ng katabi ko, pinulbusan pala niya ng sandamukal na corn starch ang kanyang panyo. Engot talaga. Umuubo-ubo pa noon si battcom habang pinapagpag ang panyong sagana sa pulbo. Daig pa ang Espasol na gawang Bulacan ng lintek na panyong iyon. Suwerte ni boplats, hindi siya pinarusahan ni battcom.

Sabado ng gabi bago matulog, nakahanda na ang alarm clock. Pero madalas mangyari sa akin na maunahan ko ang alarm clock sa paggising. Kaya pagdating sa formation, kahit tumira ka ng isang boteng Red Bull ay aatakehin ka pa rin ng pesteng antok/ngawit at siguradong makakatikim ka ng parusa.

Demetcadet!!!
Niloloko mo ba ako?!!

SIR, NO SIR!!!

Ten down!!!
Make it quick!!!

SIR, YES SIR!!!
SIR, ONE SIR!!
SIR, TWO SIR!!!
SIR, THREE SIR…

Dahil daw sa sistemang ganito, matututo kang disiplinahin ang sarili mo. Libre pa daw ang exercise. Sabi naman ng iba, masasanay ka sa Blind Obedience at masasanay din ang mga superior mo na mang-oppress at mag-power trip. Ikaw naman, mananatiling sunud-sunuran at uto-uto. Ako, ano naman kaya ang natutunan ko mula dito? Natutunan kong maging Robot ng mahigit apat na oras kada linggo. Maging mekanikal hawak-hawak ang vintage WWII Garand rifle na hindi naman pumuputok at puro kalawang. Mas malakas pang pumutok ang utot ng senglot kesa sa sandatang ito. At sa sandaling tapos na ang inyong ritwal sa formation, mararamdaman mo ang hapdi ng iyong batok at sakit ng katawan. Back to earth from hell, ika nga. Maiisip mong hindi ka pa rin Robot. Pero kailangang gawin. Kung kaya nila, kaya mo rin---ito na lang ang pinipilit mong itanim sa utak mo.

Nagkaroon ng ROTC sa bansa dahil sa batas na nag-aatas na lahat daw ng mamamayan (maliban sa imbalido at matatanda) ay may responsibilidad na depensahan ang bayan sa panahon ng digmaan. Pero ‘pag nagkaroon ng World War III, magagamit ko kaya ang ganitong uri ng sandata at kaalaman laban sa mga kaaway na mataas ang antas ng teknolohiya?

“RAYA, HAS ONLY 1 BIG BALL,
MEDICS, HAD 2 BUT VERY SMALL,
MPs, HAD EVEN SMALLER,
HERE COMES THE BLACKHAWKS,
WITH NO BALLS AT ALL…”

Masaya lang sa ROTC kapag pauwi na kayo galing sa formation. Unang-una, na-iimagine mo na ang mainit-init na meryenda mo pauwi pati ang malamig-lamig na panulak. Pangalawa, masisilayan mo ang makamandag na ngiti ng chinitang Sponsor na talaga namang nakakatanggal ng pagod, at pangatlo, ang mga Marching Chants/Songs na pang-inis sa ibang mga grupong asar-talo. Kapag malapit na kasi ang Battalion Competition, madalas makakarinig ka ng mga asarang mas generic pa sa mga gupit nyo. Dahil Field Artillery kami, mortal na kaaway namin sa pagiging snappy ang mga Infantry- mga Blackhawks. “Bakla-hawks” ang pang-asar namin sa kanila. Ang mga Medic kasi, hanggang alalay na lang sa mga nagkukunwaring nawalan ng malay. Best friend nila ang White Flower at tourniquet. Yung mga Military Police naman, hanggang traffic aide na lang dahil wala namang rambol sa hukbo. Ang mga Rayadillo Honor Guards naman ay hanggang papogi na lang sa mga gasgas nilang silent drill na alam mong nagawa mo na nung high school ka pa. Pero mas angat sila sa disiplina. Ang secret weapon talaga namin nun sa aming tagumpay ay si battcom. Sabihin mo mang weird, absurd, o alien, totoo ito. Babae ang aming battery commander. Walang balls ang battcom namin, pero astig. Kahit napakapangit, napakakorni at napaka-horror ng imahe ng ROTC sa lipunan, may naiiwan pa ring respeto para sa aming lider at sa aming mga sarili kahit hanggang alaala na lamang ito. Dahil sa huli, kami ang nanalo bilang Best Battalion. Palibhasa kasi, paborito ang hukbo ng mga opisyal, media (suki si battcom ng Balitang K noon), at mga tao.

Naaalala ko na rin tuloy yung mga huling araw ko bilang cadet private 3rd class ng FA. Nagmamartsa kami noon pauwi sa DMST Complex tangan ang kanya-kanyang riple nang biglang bumuhos ang ulan na napakalakas. Imbes na magkagulo para sumilong, inutusan kami ni battcom na ituloy ang paglalakad. Pakiramdam namin, nasa war film kami ni Oliver Stone. Korni nga lang dahil puro puno ng Acacia ang dinadaanan namin sa aspaltadong kalsada. Umusad pa ang walang-kamatayang Marching Chant tungkol sa pag-aasawa ng isang bastos na binata. Para na rin kaming mga basang sisiw na nakangiting-aso galing sa isang malupit na giyera, pero wala kaming pakialam kung magkakasakit o hindi, dahil huling martsa na rin ng Hukbong Kalawang.

Ngayon, ang dating ROTC ay ginawang NSTP. Siguradong iba na ang kuwento dahil parehong babae at lalake ang dadaan dito.


Copyright ©Nudarion 2005. All rights reserved.