Kabanata 4 + 5

Paghaharap sa Lumipas at iba pang Kuwento ng Pagkakataon

Friday, October 14, 2005

Tres Ekis (R-18)



“Putsa, dala mo yung tiket mo? Nawawala sa wallet yung tiket ko pre, mukhang naiwan sa ‘taas. Pakihintay na lang tsong kukunin ko lang...”

Si Makoy iyon. Sabado ng tanghali sa aming dormitoryo. Maaliwalas ang panahon, at tila masarap mag-extra rice at mag-softdrinks sa nalalapit na pananghalian sa Lutong Bahay. Planado nang bubusugin namin ang aming mga tiyan bago busugin ang aming mga mata.

“Tang-ina. Crush na crush ko talaga yung boobs ni Sunrise X!” sabi ni Makoy na walang pakialam kung may ibang nakakarinig habang binabagtas namin ang madamong daanan papuntang LB. “Gago, pinakasuwabe yung mga pink na utongski niya!!!” biglang sawsaw ng isang manyakis sa may likuran namin. Si Jong pala iyon; ang computer wizard at full-time na sira-ulo sa aming dormitoryo. Humihingal-hingal pa si kupal, halatang humabol sa aming paglalakad. “Panonoorin nyo si Sunrise no? Hehe, sama ‘ko mga tsong! May tiket din ako e!” hirit ni mokong habang nakikisabay na sa aming mabilis na paglalakad.

“Sure. Ano pa ba ang magagawa namin?” sagot ko sa kanya. “Basta ba sali ka rin sa oorderin naming Coke Litro,” dagdag ko. Nasa may Post Office pa lang kami’y natatanaw na naming pilahan na naman sa aming paboritong kainan. Pagdating doon ay dating gawi kami; pipila, oorder at babayaran ang tigda-dalawang order na kanin at ang kanya-kanyang classic na uulamin; adobong manok sa akin, pork giniling kay Makoy at sinigang na baboy naman kay Jong. Siyempre hindi rin makakalimutan ang walang-kamatayang Coke Litro na paghahatian ng tatlo pati na rin ang libreng sabaw na handog ni manang.

Pagkatapos maghabulan kung sino ang pinakamabilis at pinakamasibang kumain ng pananghalian ay kanya-kanyang tungga na ng natitirang softdrinks sa baso. Tatayo ang isa at kukuha ng ice-cold tubig ‘pag nabitin sa softdrink. “Iba talaga dito sa Unibersidad de Pendejo. Makakalibre ka na ng porno, mauuna ka pa sa balita sa ibang tao” kumento ni Makoy habang tinititigan ang larawan ni Sunrise X sa kanyang tiket. “Tayo daw ang gagawing kritiko ng gumawa ng pelikulang ito. Para namang intelektuwal talaga tayong mga taga-peyups, e halos lahat naman puwedeng makapanood nito dahil libre, basta’t nakakuha lang ng tiket. Kung merong bopol sa labas, siguradong hindi magpapadaig ang Fighting Morons!” pa-humble pang dagdag niya.

“Ganyan talaga pre. Kinakatay na raw kasi natin ang Industriya nila eh, kung hindi pa natin naililibing sa sementeryo. Wala na tuloy silang ibang maisip kundi ang gasgas na pormyula na gumawa ng isang nagkukunwaring ART film pero soft porn lang pala,” sarkastikong sagot ko. “Ba’t mo naman nasabing soft porn lang? Ano ba talaga ang sining at hindi sining? Malay mo ART film na nga talaga ito ‘di tulad nung naunang ipinalabas nila noong isang buwan. Tigilan mo nga ‘ko sa pa-art art na gimmick mong ‘yan, iba naman talaga ang habol natin e. Para panoorin ang mga bundok ni Sunrise at ang kanyang mga espesyal na acrobatics,” nakangising-demonyong pag-uusisa ni Makoy. Napangisi na rin ako. “Para sa akin lang kasi, sining ang gawa mo kung orihinal ang mga ideya nito, makatotohanan, at  may paghahamon sa pangkasalukuyan at panghinaharap na pananaw ng kulturang mainstream,” baliw na hirit ko. “Ulol! Tumatalab na ang caffeine sa softdrinks na nainom mo pare, o baka epekto lang ng asukal yan. Anupaman ang kahulugan ng sinabi mo’y itinakda na natin ang makamundong araw na ito! Bah, kunwari ka pa dyan eh. Kung ayaw mong mag-enjoy, umuwi ka na lang at mag Counterstrike sa computer ni Kupaw!” sabat ni Makoy na nagyayaya nang lumakad papuntang Film Center. “Here we are nooow, entertaaaaain us!!! A mosquiiiitow, my libiiiidow!!!” parinig na kanta ni Jong mula sa isang awit ng Nirvana. Pakiramdam niya’y cool na cool na ang dating niya sa paghe-head bang ng kanyang kulot na buhok. Iyon na rin ang naging hudyat para simulan na namin ang paglalakad.

Nasa harap na kami ng FC nang masilayan ang sandamukal na mga pulutong ng mga kagaya din naming malilibog. Hanggang kalsada ang pilahan at kung hindi ginawang dalawa’y aabutin ng pila ang katapat na gusaling Bahay ng Alumni. Dahil libre at Special Advanced Screening pa, palalampasin lang ito ng mga abala sa pagpapayaman, mga alagad ng simbahan, mga moralista’t nagkukunwaring moralista, mga korni at killjoy, at yaong mga malapit nang kunin ni Lord. In short, mga gago lang at mga taong walang magawa sa buhay ang manonood nito.

Usap-usapan na meron pa daw public forum pagkatapos; nandun ang direktor, prodyuser, at mga artista. Siyempre, nandun ang bida--- si Sunrise!!! Mahabaging langit! Kung kelan ka nga naman susuwertehin! Makakahingi ka na ng libreng otograp, pati pa libreng kiss. Yun e kung desperado ka na’t sobrang kapal na ng pagmumukha mo. Kapansin-pansin na maraming taga-Narra doon. ‘Di na namin kailangang magtaka pa.

May mga babae din na tumungo doon. Curious. O kung hindi man ay napag-utusang gumawa ng reaction paper tungkol sa pelikula. Yung iba naman ay dala-dala ng boyfriend nila. Hayup, doon pa yata balak gumawa ng milagro. Nandun din ang mga kakilala ko na halatang kagagaling lang sa kani-kanilang mga exam. Marami ding propesor at matatandang tao ang nandun. Naisip ko tuloy, ART film na nga yata ang panonoorin namin.

Nakapuwesto na kaming tatlo sa loob sa may bandang kaliwa, malapit sa aircon na mala-North Pole ang lamig. Padami nang padami ang mga tao sa loob at malapit nang mapuno. “CR muna kaya tayo mga brod at baka sumabog ang pantog natin nang ‘di natin namamalayan. Mahirap na,” bright suggestion ni Jong. “Mauna na kayo’t ako naman ang susunod para hindi tayo manakawan ng upuan,” sabi ko sa kanila.

Saktong pagbalik ko mula sa pag-CR ay katatapos din ng Lupang Hinirang. Pinatay na ang mga ilaw. Oras na ng paghuhusga. Sa unang limang minuto pa lang ng kuwento, may eksena na si Sunrise. Nangingisay-ngisay pero pagsasayaw pala ang tawag nila doon. Erotic dancing daw, bulong ni Makoy. Pumito ang mga sanay sa beerhouse at nagtilian naman ang mga girls at mga pa-girl na kunwari ay ngayon lang nakakita ng ganoong tanawin.

Mabilis ang takbo ng istorya. Kumpleto sa sangkap ang R-18 na pelikulang ito. ‘Di lang basta may sex, may violence pa. Ang bidang lalaki ay napilitang sumama sa grupo ng mga sindikato para lang mapalapit kay Sunrise na asawa ng lider nila. Ang grupo naman ay kakikitaan ng iba’t-ibang uri ng karakter para daw maging realistiko. Pero kung ipagpipilitan ng nagsulat ng kuwento na puwedeng tumagal sa sindikato ang isang matandang hukluban, malabo ang paningin, at pagong kung kumilos at mag-isip, pasensya na lang at hindi ko siya puwedeng paniwalaan. Hindi naman props ang silbi niya sa kanilang Modus Operandi. Hindi rin ipinakita kung bakit siya tumagal sa grupo. Hanggang kusinero na lang siya. Sa bandang huli, siya ang unang na-dedo. No wonder.

Dumating ang isang eksenang hinihintay ng mga barako. Pero wala si Sunrise. May ibang babae doon na may malupit na binabalak kasama ang isa pang miyembro ng sindikato. Pero naantala. Bitin tuloy ang mga kumag na nanonood. “Tang-igit! Pa-cute talaga ang artistang ‘yan. Imposibleng magpakita!” reklamo ni Jong. “Wow lupeet!” asar na kantyaw ng iba.

Habang tumatagal, nabuburyong na ako sa nangyayari sa istorya. Nagiging mas magulo at kumplikado, hanggang sa mawalan ka na ng pakialam at simpatya sa magiging kahihinatnan ng mga bida. Masyadong magalaw ang cameraman. Nakakahilo ang estilong ginaya ang music video, pero medyo nakaka-bad trip ang palabas na 'to. Ganoon na ba talaga kahalaga ang alindog ni Sunrise, para manatiling tanga at alipin ang bida? Ang matsing na lider naman ng grupo sa simula ay napakatalino, pero kagulat-gulat na basta na lamang siyang maiisahan sa loob ng kanyang pamamahay--- sa kanyang kubeta pa mismo. Anak ng tipaklong, parang gusto ko nang mag-walk out.

Si Makoy ay nanatiling tahimik at nagmumukmok. Nahimasmasan lang ang lahat mula sa pagkakasuya nang dumating ang tagpong iyon. Magagawa na rin ni Sunrise at ni Bigote sa loob ng tatlong minuto ang napakatagal na nilang gustong gawin. Masasaksihan na rin namin ang napakatagal na naming gustong makita. “Shit! Materyales Fuertes nga!” sabi ko, abot-tenga ang ngiti. “Hehe, my favorite fusisyun!” hirit naman ng naaaliw na si Jong. Sa loob ng tatlong minutong iyon, para ka lang aksidenteng nakapasok sa isang Anatomy Class o kaya’y Nude Painting Session sa Fine Arts. Medyo salat nga lang yung ART. Overacting na kasi si Sunrise e, mahirap paniwalaan ang indayog ng katawan. “Basta’t makita lang, ayos na 'yan. ES 12 lang ‘yan---Dynamics of Rigid Bodies!” mala-inhinyerong pangangatwiran ni Makoy. "Gago, mas akma yung ES 13 dyan! Mechanics of Deformable Bodies, heheheee" hirit naman ng salaulang si Jong.

Tapos na ang maliligayang eksena. Nakapag-round two na rin si Sunrise at si Bigote. Busog nga ang aming mga mata pero ako’y naduduwal na. Hindi pa rin kasi tumitigil sa paikot-ikot ang cameraman at ako’y hilong-hilo na kahit hindi naman nakainom. Sarap batukan ang cameraman kung nandun lang ako sa shooting nila. Hindi naman kami nanunood ng Blair Witch Project. Hindi na rin namin nararamdaman ang kanina’y North Pole na aircon. Malapit nang matapos ang istorya. Mamamatay silang lahat dahil sindikato sila at iyon ang madalas na ending sa mga Pinoy na pelikula.

Tama ako.

Asa pa kaming magkaroon ng character development ang mga tao sa kuwento. Asa pa kaming pasasayawin pa ni Sunrise ang ga-bundok niyang mga mansanas. Tragic talaga ang ending. Pero bago ma-dedo si Bigote, aaminin niya ang kanyang wagas na pagmamahal kay Sunrise mula noong unang nagtagpo ang kanilang mga mata. Wow, love at first sight!!! Pero duling ang pag-ibig na ito. Dahil sa buong kuwento, puro kalibugan lang ang nakita namin kay Bigote sa kanyang mga pakikitungo sa karakter ni Sunrise.

Yun din ang nakita namin sa aming mga sarili. Guilty with pleasure ‘ika nga. At bago lumabas ang end credits, naisip kong napakababaw pala namin para patulan ang ganitong mga uri ng libreng pinoy na palabas. Niyaya ko na silang umuwi. Listo naman ang dalawang mokong. Ayaw na naming personal na makita si Sunrise X kasama ng bading na direktor. Korni na kasi. At para makaiwas na makunan ng opinyon at footage sa labas, minabuti naming lumabas sa gilid na exit at hindi sa main entrance ng Film Center.

Yun nga ang nangyari sa amin sa araw na iyon. Hindi kami naging mga mapanuring kritiko. Ginawa lang kaming mga tanga--- mga ‘guinea pigs’ na nakakulong sa isang makamundong laboratoryo.




Copyright ©Nudarion 2005. All rights reserved.